PSC Laro’t Saya, muling dinayo
By: Angie Oredo (Balita)

Apat na kabataan mula sa Ugdongan, Romblon ang nagtungo sa Maynila kahapon para lamang makisali at matuto ng dagdag na kaalaman sa football sa ginaganap na grassroots development program ng Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t Saya sa Burnham Green sa Luneta Park.

Walang pagsidlan ng katuwaan ang 15-anyos na si Jerome Ricalde, 19-anyos na si Gherald Male, 16-anyos na si Elbert Joseph Royo at 18-anyos na si John Patrick Robaya na dating mga high school football varsity player matapos na makapaglaro at matuto ng ilang kaalaman sa isinagawang pagtuturo ng namahalang national football coaches.

“Sumama po ako sa mga magulang ko pagpunta sa Quezon City kasi po nalaman ko na may nagtuturo ng libre sa football.

Isinama ko na po na magkita-kita kami ng mga teammates ko dati sa Region 4B sa Palaro Division meet dito sa Luneta kaya po tuwang-tuwa kami na madami kaming nakalaban at natutunan,“ sabi ni Ricalde.

Hindi naman nagkasya ang dalawang pitch na itinayo at ginagamit sa Laro’t-Saya na ang isa ay para sa malalaking kalahok at ang isa ay para sa maliliit at kababaihan. Ang ibang bata ay kinailangan na lamang na turuan ng passing at tamang paggamit ng kanilang paa.

“Bale tatlong set na nga ang natapos sa dalawang pitch pero marami pa rin ang hindi pa nakakalaro,“ sabi ni PSC Laro’s Saya Games manager Norberto “Boy“ Dinglasan. “Marami sa kanila ang dumadayo na dito kada Linggo kasi natututo na sila ng system at skills,“ sabi pa ni Dinglasan.

Umabot naman sa kabuuang 377 ang nagpartisipa sa aktibidad na para sa pamilya at talent identification program ng PSC kung saan isinagawa din ang aerobics (160), arnis (40), badminton (25), chess (15), football (77), karatedo (20), at volleyball (40).

Samantala, dumadami naman ang humihiling sa City Government of Quezon City at nag-oorganisang PSC sa ginaganap na Laro’t-Saya sa Quezon City Circle na dagdagan ang itinuturong sports maliban sa aerobics, arnis, badminton, football at taekwondo.

Noong Sabado ay kabuuang 285 ang nagpartisipa sa aerobics (285) habang sa arnis (28), badminton (38), football (27) at taekwondo (30).