POC bibili ng 100 bisikleta para sa mga national athletes

MANILA, Philippines — Plano ng Philippine Olympic Committee (POC) na bumili ng 100 bisikleta na ibibigay sa mga miyembro ng national team.

Inaasahan ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino na aaprubahan ito ng POC Board lalo na at ang pagbibisikleta ang magiging bagong ‘mode of transportation’ pagpasok ng ‘new normal’.

“Obviously, bicycling, whether to commute to and from their training venues or even for leisure, is a good way for our national athletes to keep in good physical condition,” sabi ng POC chief.

 
Dahil sa limitadong bilang ng mga bibilhing bisikleta, ito ay magiging first-come, first-served basis.

Si Tolentino ay pangulo rin ng PhilCycling at kapatid ni Sen. Francis Tolentino na hinikayat ang Department of Transportation na payagan ang paggamit ng bisikleta sa malalaking kalsada at maski sa mga highways.

 
Kamakalawa ay nagsama-sama ang mga cycling stakeholders para sa promosyon ng paggamit ng bisikleta sakaling matapos na ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Isinusulong ng mga pinuno ng Air21, LBC Ronda Pilipinas, Go for Gold, 7Eleven at Navy-Standard Insurance ang pagkakaroon ng mga bike lanes sa mga lungsod kasabay ng paglalatag ng mga panuntunan para sa pagbibisikleta sa mga kalsada.

Date: May 21, 2020 | By: Joey Villar | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2020/05/21/2015329/poc-bibili-ng-100-bisikleta-para-sa-mga-national-athletes?fbclid=IwAR0lE7BmogaZlv0nw4K44oz0Wm-HPLcBHNMqgXsILod0MTcryAO3slmwWTY